Muling nagpakawala ang North Korea ng isang ballistic missile patungo sa karagatan, ilang araw bago magsimula ang malaking joint military exercises ng Estados Unidos at South Korea.
Inilunsad ang missile mula sa Wonsan sa silangang bahagi ng North Korea at lumipad ng humigit-kumulang 700 kilometro bago bumagsak sa karagatan.
Kinumpirma ng South Korea at Japan ang paglulunsad kung saan mariin nila itong kinondena.
Itinuturing din ito Seoul bilang isang probokasyon at paglabag sa mga resolusyon ng United Nations Security Council.
Nagsagawa rin ang South Korea ng emergency national security meeting upang talakayin ang sitwasyon.
Samantala, sinabi ng U.S. Indo-Pacific Command na walang agarang banta sa Estados Unidos o sa mga kaalyado nito mula sa naturang paglulunsad.
Nakatakdang magsagawa ng taunang Ulchi Freedom Shield exercises mula Agosto 17 hanggang 27 ang Estados Unidos at South Korea.
Ayon sa Washington at Seoul, layunin nitong palakasin ang kanilang kahandaan sa seguridad, habang patuloy namang tinututulan ng Pyongyang ang naturang mga pagsasanay.