Sa kabila ng halos isang linggong pag-ulan dulot ng Habagat, hindi na kinailangang lumikas ng mga residente ng Barangay Balangkas sa Valenzuela City.
Ayon sa pamahalaang lungsod, zero evacuees ang naitala sa barangay nitong mga nakaraang araw, na malaking pagbabago kumpara sa mga nakaraang taon kung kailan madalas itong makaranas ng pagbaha.
Paliwanag nito, ito ay dahil sa epektibong operasyon ng bagong pumping station sa Valeriano na 24/7 na nag-aalis ng tubig-baha, gayundin sa patuloy na dredging, desilting at paglilinis ng mga waterways bago pa man magsimula ang tag-ulan.
Samantala, nakitaan din ng improvement ang Barangay Marulas, na dati ring madalas bahain dahil nakatulong ang tatlong pumping stations para mabilis na mailabas ang tubig-baha sa lugar.
Gayunman, pinaalalahanan pa rin ang mga residente na manatiling alerto, makinig sa mga opisyal na abiso at huwag maging kampante dahil patuloy pa rin ang banta ng pagbaha ngayong tag-ulan.