Pinasinungalingan ni Communications Usec. Claire Castro ang pahayag ni Vice President Sara Duterte kamakailan, nang sabihin nito na proyekto niya ang People’s Ville, noong alkalde pa lamang ito ng Davao City.
Sa press briefing sa Malacañang, inilatag ni Castro ang kopya ng mga dokumento na aniya’y magpapatunay kung kailan talaga sinimulan at inaprubahan ang proseso para sa People’s Ville.
Sa mga dokumentong ito, nakasaad na ang petsa ng development permit ng proyekto, ay inilabas noong July 18, 2023.
Ang building permit na mayroong application date na December 6, 2023, at na-isyu noong February 16, 2024.
“Ang Certificate of Registration # 0002414 para sa People’s Ville 1, 2, 3 condominium project, naisyu po ito June 20, 2024 – panahon na po ito ni Pangulong Marcos Jr. At pinalaki ko rin iyong pinakapetsa na nakasaad po sa bandang dulo ng nasabing certificate. Nandito po, June 20, 2024.” -Castro.
Giit ni Castro, malinaw sa mga dokumentong ito na isinagawa ang mahahalagang proseso para sa proyekto sa ilalim ng Marcos Administration.
Aniya, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga pahayag kaugnay sa People’s Ville, at huwag basta maniwala sa mga umaangkin sa proyekto.
Sa pinakahuling datos ng pamahalaan, higit 2,600 housing units na ang natapos sa People’s Ville sa Calinan District, Davao City.
Apat na gusali na mayroong 400 units ang kasalukuyang under construction.
Sa oras na makumpleto, target na magkaroon ang proyekto ng 7,200 condominium units sa 72 residential buildings.
“Mainam po na maging mapanuri tayo, at ang proyektong ito ay para po sa ating mga kababayan, hindi para magpabida ang sinuman kung hindi laan ito para sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa Davao City.” — Castro.
Kung matatandaan, una nang binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang People’s Ville, kung saan binanggit ng pangulo ang planong pagpapalawak sa housing project.
“Isang maayos na pabahay, isang tunay na komunidad… Mga taga-Davao City, hindi po kayo iiwan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” — Castro.