Patuloy na pinaalalahanan ng Department of Environment and Natural Resources Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) ang mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto sa posibleng banta pa rin ng mga landslide at flashflood dulot ng Habagat.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, nasa 3,742 na mga barangay mula sa CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA, at NCR ang prone sa landslide at baha batay sa geohazard maps.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga LGU, Disaster Risk Reduction and Management Councils(P/C/M/BDRRMCs), at mga residente na manatiling nakahanda kabilang ang pagpapatupad ng preemptive evacuation protocols.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na malapit sa ilog, dalisdis at daluyan ng tubig na bantayan ang pagtaas ng lebel ng baha, at agad i-report ang anumang senyales ng paggalaw ng lupa, biglaang pagtaas ng tubig o pagputik ng baha.
Pinag-iingat din ang publiko sa mga bitak sa pader, sahig o poste na maaaring senyales ng paggalaw ng lupa, lalo na sa mga maburol at matatarik na lugar.
Hinihikayat ng DENR-MGB ang publiko na manatiling alerto tuwing may malakas na pag-ulan, alamin ang mga ligtas na lugar at emergency exit, at sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad.