Gagamitin ng Kamara ang Project NOAH para busisiin ang mga flood control project na isasama sa 2027 national budget.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing, nakalaan na sa 2026 budget ang ₱1 bilyong para mapalawak ang kakayahan ng Project NOAH sa pag-update ng flood-risk mapping sa iba’t ibang lugar.
Sa pamamagitan nito, matutukoy kung ang isang lugar ay nasa red, orange o yellow zone batay sa antas ng panganib sa pagbaha, na gagamitin ding batayan sa pagsusuri ng mga panukalang flood control project.
Sinabi ni Suansing na magsasagawa ang Kamara ng panibagong round ng vetting sa deliberasyon sa Kongreso upang matiyak na ang mga proyektong mapapabilang sa pinal na bersyon ng budget ay kinakailangan at kayang ipatupad.
Kabilang sa mga mekanismong ipinatupad na sa 2026 General Appropriations Act ang mga probisyon sa implementation at transparency ng infrastructure projects, kabilang ang pagsusumite ng project monitoring reports sa Department of Budget and Management (DBM).
Mayroon ding probisyon para sa pagbuo ng integrated, environmentally validated at nature-based flood and water resources management plan, gayundin ang flood control project monitoring at geo-spatial validation.