Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim De Leon na may sapat na pondong inilaan ang pamahalaan para maipagpatuloy ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program sa susunod na taon.
Ayon kay De Leon, bagama’t walang hiwalay na line item para sa UPLIFT sa 2027 National Expenditure Program, nakapaloob sa mga budget item ng iba’t ibang ahensya ang mga programang bahagi ng government response framework.
Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD, fuel subsidy para sa mga transport worker sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr), fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa Department of Agriculture (DA), at emergency repatriation at Aksyon Fund ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni De Leon na patuloy na popondohan ang mga programang ito upang matiyak ang tulong sa mga sektor na higit na maaapektuhan kung magpapatuloy ang energy crisis.