Kumpiyansa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na lalo pang mapagtitibay ni Lt. Gen. Donald Gumiran ang mga natamong tagumpay ng Bangsamoro Peace Process.
Ito ang tinuran ni Presidential Peace Adviser, Secretary Mel Senen Sarmiento kasabay ng kaniyang pagpaabot ng pagbati kay Gumiran na naupo kahapon bilang ika-68 Commanding General ng Philippine Army.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Sarmiento na nakita nila ang dedikasyon ni Gumiran para mapanatili ang mga naging tagumpay ng pamahalaan sa panahon ng panunungkulan nito billang pinuno ng Western Mindanao Command (WesMinCom).
Tiwala ang OPAPRU na maipagpapatuloy ni Gumiran bilang bagong pinuno ng Hukbong Katihan ang mga nasimulang tagumpay para mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Una nang ipinangako ni Gumiran na gagawin nila ang lahat, masiguro lamang na magiging maayos, mapayapa at ligtas ang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Region sa Setyembre ng taong kasalukuyan.

