Nananatili ang commitment ng Philippine National Police (PNP) na pangalagaan ang kalikasan nang hindi naman nasasakripisyo ang kabuhayan ng publiko.
Ito ang tinuran ng PNP kasunod ng pagkakaaresto ng apat na indibidwal gayundin ng pagkakasabat ng mahigit ₱400,000 halaga ng mga kagamitan sa iligal na pangingisda matapos ang ikinasang operasyon sa iloilo.
Sa kaniyang ulat sa Kampo Crame, sinabi ni Police Regional Office 6 Director, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, isinagawa ang operasyon sa loob ng 24-oras kahapon.
Gayunman, hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye si Tuaño hinggil sa kung anong mga kagamitan ang nakumpiska at ang eksaktong lokasyon ng operasyon dahil sa nagpapatuloy ang kanilang pagmamatyag hinggil dito.
Umapela naman si Tuaño lalo na sa mga nakatira sa baybaying dagat na makipagtulungan sa mga awtoridad at isumbong ang mga magtatangkang iligal na mangingisda sa kanilang karagatan.

