Muling nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura.
Ito’y makaraang tumambad sa mga opisyal ng pamahalaan sa pangunguna nila Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Parañaque LGU ang santambak na basurang nakabara sa Redemptorist Channel sa Baclaran kahapon.
Kabilang sa mga nakuhang basura ang mga plastic bottle, styrofoam, food wrapper, kahoy, at iba pang kalat na inanod sa daluyan ng tubig buhat sa Manila Bay at naipon makaraang anurin dulot ng malalakas na pag-ulan.
Matapos makolekta, dinala ang mga basura sa landfill ng MMDA para sa maayos na pagtatapon at pamamahala ng mga ito.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Torre na mandato nila na linisin at alisin ang mga nakahambalang na basura subalit nakasasalay pa rin sa kamay ng taumbayan ang pagpapanatili rito sa pamamagitan ng pagiging disiplinado.
Ang simpleng hindi pagtatapon ng basura sa mga ilog, estero, kanal, at iba pang daluyan ng tubig ang susi upang maiwasan ang pagbabara at makatulong sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng tubig.

