Itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng waste-to-energy program upang matugunan ang lumalalang problema sa basura sa bansa at makapagbigay ng karagdagang suplay ng kuryente.
Isinulong ng Pangulo ang naturang hakbang matapos makakita ng napakaraming basurang naipon sa mga daluyan ng tubig sa ilang lugar—kabilang ang Lungsod ng Parañaque—kasunod ng mga pagbahang dulot ng Bagyong Maymay at ng Habagat.
Ayon kay Pangulong Marcos, lalong lumala ang pagbaha sa lungsod nang maipon sa mga kanal ang mga basurang tinangay mula sa iba’t ibang lugar at naipit pa dahil sa high tide.
“Nakita ninyo ’yung mga picture na punung-puno ’yung kanal, punung-puno ng basura na hindi naman galing sa Parañaque, galing sa ibang lugar ’yun. Pero dahil nabuksan na ’yung ating mga kanal, lahat doon napasok, nasabayan pa ng high tide kaya naipit ’yung mga basura doon,” pahayag ng Pangulo.
Ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na sa ilalim ng programa, ipina-process at ikino-convert ang mga basura upang maging kuryente gamit ang subok nang teknolohiya.
“Kami naman dito sa pamahalaan ay itutuloy na natin ’yung waste-to-energy na program. Iyon ’yung kinukuha ’yung basura at ito ay pino-process at ginagawang kuryente. Napakalaking bagay niyan pagka natapos na natin, sandali lang siguro ’yan kasi understood technology na ’yan,” diin ni Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, muling umapela ang Pangulo sa mga lokal na pamahalaan at sa buong publiko na maging responsable at itapon sa tamang lugar ang kanilang mga basura. Binalaan din niya ang lahat na ang hindi maayos na pagtatapon ng kalat ay nagdudulot ng malaking pinsala, lalo na sa panahon ng tag-ulan at baha.
“Nananawagan kami sa lahat ng involved, ang ating mga local government unit, ang ating lahat ng mamamayang Pilipino, mag-ingat po kayo dahil ang laking pinsala ang nangyayari kapag ’yung basura natin ay hindi maganda ang pagtapon at dahil kung saan-saan na lang nilalagay,” dagdag pa ng Pangulo.