Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na walang pagtitipid sa pondo para sa agarang pagtugon sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga biktima.
“Unli. Honestly, unli. Sabi ng Presidente, basta kalamidad, hindi tayo nagtitipid. So, the quick response funds is worth billions, so it’s a lot of funds,” pahayag ni Gatchalian sa mga reporters nang tanungin sa katatapos na pananalanta ng kalamidad sa bansa sa kasagsagan ng isang panayam sa evacuation center sa Las Piñas.
Dagdag pa ni Gatchalian na, “Ang direktiba ng ating Pangulo, una, siguraduhin na ‘yung mga naapektuhan matulungan, pagkain muna. And then we’re now assessing ‘yung mga may damages ‘no like in Pampanga, nakita namin medyo napuruhan sila. So, we’re going to work with the local government unit on the cash assistance later on….ang instruction ng ating Pangulo, Pangulong PBBM, masigurado na may food augmentation.”
Sa harap nito, ininspeksyon ni Pangulong Marcos nitong Martes ang evacuation center sa Las Piñas, kung saan nasaksihan niya ang pamamahagi ng hot meals, family food packs, sleeping kits, hygiene kits, maging mga maternity kits para sa mga buntis at nagpapasusong nanay, at tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Partikular na inikutan ng Pangulo ang Verdant Covered Court Evacuation Center na nasa Caimito Street, Barangay Pamplona Tres, kung saan nagtayo ng mga tent para sa bawat pamilyang bakwit at binahaginan ng mga pagkain at tubig.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos, sinabi ni Gatchalian na nakapamahagi na ang DSWD ng nasa halos 193,000 family food packs sa buong bansa.
Sa harap nito, inanunsyo naman ni Gatchalian na mayroong ilang lugar na idineklarang nasa “special areas of concern” sa Central Luzon, Bulacan, Pampanga, Northern Ilocos Region, habang isinailalim naman sa “state of calamity” ang ilang lugar partikular na sa Pangasinan at iba pang karatig pook.
Binanggit din ni Gatchalian na kabilang din sa matinding naapektuhan ng bagyong Luis, Maymay at Habagat mula pa noong Huwebes ang Region I sa Ilocos hanggang sa Western Visayas at sa Mimaropa sa bahagi ng Mindoro.
“Ang goal natin is to make sure na yung mga nasa evacuation center na tutulungan natin, katulad dito sa Las Piñas, mayroon pa tayong around 200 families sa evacuation center,” ani Gatchalian.
“Para masigurado natin na hindi man natin matumbasan yung comfort at convenience sa kanilang mga tahanan ay may dignidad at magaan sa kanila at maski papaano maging komportable sila dito sa mahirap na sitwasyon,” ayon kay Garchalian.
Bukod dyan, sinabi ni Gatchalian na namigay din ang gobyerno ng PhP10,000 tulong pinansyal sa mga pamilyang sinalanta ng bagyo at Habagat sa Las Piñas.
Pagtitiyak ng DSWD Secretary, suportado ng ahensya ang local government units (LGUs) sa panahon ng kalamidad.