Ipinangako ng Philippine National Police (PNP) na kanilang ihahatid ang katarungan sa pamilya ng pinaslang na dating kintawan ng UMAD Party-list na si Teodoro Lim.
Si Lim ay namatay matapos pagsasaksakin ng isang suspek matapos makipagtalo sa isang mall sa Antipolo City nitong November 17.
Naaresto rin kalaunan ang suspek matapos magsagawa ng follow up operations ang Pulisya at nahaharap sa kasong Robbery with Homicide.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek, na aniya ay nagpapakita ng determinasyon ng Pulisya na sundan ang bawat lead at dalhin sa korte ang mga responsable sa mga krimen.
Binigyang-diin pa ni Nartatez na ang pagkakaaresto sa suspek ay dapat sundan ng masusing imbestigasyon at matagumpay na pag-uusig para matiyak ang pagkakamit ng hustisya.
Hindi nagtatapos ang imbestigasyon ng Pulisya sa pagkakaaresto sa suspek dahil kailangang suriin ng mga imbestigador ang bawat piraso ng ebidensya at bumuo ng kasong sapat ang tibay upang mapanindigan sa korte.