Photo courtesy of DOT
Inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang mga bagong travel microsite para sa P-Pop groups na BINI at SB19, na naglalayong gamitin ang kanilang malakas na impluwensiya upang hikayatin ang mas maraming Pilipino at international fans na tuklasin ang iba’t ibang destinasyon sa bansa.
Bahagi ito ng ikalawang yugto ng “Discover More To Love” domestic tourism campaign ng DOT, na inilunsad noong Hunyo 2026. Tampok sa microsites ang mga paboritong destinasyon o dream destinations ng bawat miyembro ng dalawang grupo, kasama ang mga eksklusibong discounted travel packages mula sa DOT-accredited partners.
May interactive features din ang microsites para mas makilahok ang mga fans. Maaaring magbahagi ang BLOOMs ng kanilang travel photos at captions gamit ang #BloomTrails, habang maaaring mag-iwan naman ang A’TIN ng mensahe para sa SB19 na ipapares sa kanilang paboritong kanta ng grupo.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, hindi lamang entertainment ang naibibigay ng mga artistang tulad ng BINI at SB19 dahil maaari rin nilang maimpluwensiyahan ang travel decisions ng kanilang mga tagahanga at makatulong sa paglikha ng economic activity sa mga destinasyon.
Kapag bumiyahe ang isang fan, maaari rin itong magresulta sa dagdag na kita para sa mga hotel, restaurant, tour operators, attractions at iba pang tourism businesses sa lugar.
Layunin ng “Discover More To Love” na gawing mas abot-kaya ang paglalakbay sa Pilipinas sa pamamagitan ng discounted fares, hotel rates at entrance fees sa mga atraksyon. Inaasahan ding mapalakas nito ang domestic tourism at mapanatili ang pag-ikot ng kita sa mga lokal na komunidad, lalo na sa mga probinsya.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang BINI at SB19 sa DOT sa pagsusulong ng mga destinasyon ng Pilipinas habang kinakatawan ng dalawang grupo ang bansa sa kanilang mga international engagements at performances.