Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Sasagutin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang gastos sa pagpapalibing ng lahat ng nasawi sa landslide sa Barangay Guisad Surong, Baguio City, noong August 9.
Ito ang tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian matapos niyang bisitahin ang mga naulilang pamilya at magbigay ng paunang ayuda.
Nagbigay na rin ang DSWD Field Office-CAR ng psychosocial intervention sa mga pamilya ng mga biktima upang matulungan silang makayanan ang trauma dulot ng insidente.
Nakipagpulong din si Gatchalian kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa ayuda sa mga pamilyang nawalan ng bahay, kabilang ang rental assistance na tatagal ng tatlo hanggang anim na buwan.
Ayon sa kalihim, magpapatuloy ang pagbibigay nito ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Samantala, umabot na sa mahigit ₱400 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Luis, Maymay, at ng pinalakas na habagat, batay sa pinakahuling ulat ng DROMIC.