All-hands on deck ang Department of Trade and Industry (DTI) sa commitment nito na matulungan ang mga negosyo partikular na ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na makasabay sa agos ng modernong panahon at mailakip ang technological innovations at artificial intelligence tech sa kanilang mga negosyo.
Ito ang naging pahayag ni Trade Sec. Ma. Cristina Roque kasunod ng paglulunsad ng Digital Transformation Programs ng fiber internet service provider Converge ICT Solutions sa Makati.
Ani Roque mahalaga ang pagsabay ng mga MSME at iba pang negosyo sa bansa sa technological advancements upang mas mapalakas ang kanilang operasyon at productivity rate na direkta namang makatutulong sa ekonomiya ng bansa.
Kabilang nga sa mga inihahaing programa ng pamahalaan upang makatulong sa mga negosyo ang mas mabilis na internet connectivity at iba’t-ibang skills enhancement programs.
Ayon sa kalihim, imbes na katakutan ang modernisasyon ng mga negosyo ay dapat mas akapin pa nga ito upang mas sumigla pa ang business climate ng bansa.