Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Iginiit ni House Ways and Means Committee Chair Miro Quimbo na dapat pangunahing layunin ng panukalang SIN Tax reform ang proteksyon sa kabataan laban sa tumataas na paggamit ng nicotine.
Sinabi ni Quimbo na kailangang ayusin ang pagbubuwis sa sigarilyo, electronic cigarettes at heated tobacco products bilang bahagi ng mas malawak na ProGRESS tax reform package.
Ayon sa mambabatas, ipinapakita ng preliminary findings ng 2024 Global Youth Tobacco Survey na umakyat sa 16.2 porsyento ang tobacco use ng kabataang Pilipino noong 2024 mula sa 12.5 porsyento noong 2019.
Habang umabot naman sa 26.7 porsyento ang paggamit ng electronic cigarettes sa mga kabataan sa parehong panahon.
Binigyang-diin ni Quimbo na kailangang timbangin ang tax rates upang mapigilan ang nicotine use nang hindi naman lalong hinihikayat ang illicit trade at hindi rin maapektuhan ang lehitimong industriya at mga tobacco-growing communities.
Aniya, kung masyadong mababa ang buwis ay maaaring maging mas abot-kaya ang mga produktong nicotine, ngunit kung masyadong mataas naman ay maaaring lumakas ang ilegal na kalakalan.
Dahil dito, sinabi ni Quimbo na kailangan ang tamang balanse sa bagong tax structure at ang pakikinig sa mga fiscal expert, economist, health advocate at iba pang stakeholder.