Mas marami nang Pilipino ang sumusuporta sa tambalan nina Mayor Leni Robredo at Senador Raffy Tulfo kaysa sa tambalan nina Bise Presidente Sara Duterte at Senadora Imee Marcos para sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente sa 2028 elections.
Batay sa survey ng OCTA Research, 45% ng mga Pilipino ang nagsabing iboboto nila ang Robredo-Tulfo tandem, habang 42% naman ang pumili sa Duterte-Marcos tandem sa isang hypothetical na 2028 presidential at vice presidential match-up.
Walong porsyento naman ang nagsabing wala sa dalawang tambalan ang kanilang iboboto, habang 4% ang undecided at 1% ang tumangging sumagot.
Nilinaw ng OCTA Research na sa kasalukuyan ay hindi pa sapat ang resulta upang masabing may malinaw nang nangunguna dahil may tinatawag na margin of error.
Lumitaw sa survey na malakas ang tambalang Robredo-Tulfo sa Balance Luzon at NCR, habang tabla naman sila sa Visayas. Sa Mindanao, nakakuha naman ng 90% na suporta ang tambalang Duterte-Marcos.
Isinagawa ang survey mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 11 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas, at may ±3 percentage points na margin of error.