Batay sa desisyon ng Supreme Court En Banc, wala umanong nakitang constitutional o legal obligation ang Korte upang obligahin ang Blue Ribbon Committee na ilabas ang isang hindi pa pinal na ulat.
Ipinaliwanag ng SC na maaari lamang gamitin ang writ of mandamus upang pilitin ang isang opisyal o tanggapan ng pamahalaan na gampanan ang tungkuling malinaw na itinatakda ng batas at walang kalakip na discretion.
Inihain ang petisyon ni Atty. Marvin Aceron matapos umanong mag-leak sa ilang media outlet noong Pebrero ang draft report na nagrerekomendang sampahan ng mga kasong kriminal, kabilang ang plunder, ang ilang senador at opisyal ng pamahalaan.
Nilinaw pa ng Kataas-taasang Hukuman na nagiging bahagi lamang ng official Senate record ang isang draft report kapag ito ay pinal na, inaprubahan ng komite, at naisumite na sa plenaryo alinsunod sa internal rules ng Senado.
Hindi rin umano maaaring gamitin ang mandamus upang pilitin ang komite na isapubliko ang naturang ulat, lalo’t wala namang batas na nag-aatas dito na ilabas ang isang hindi pa tapos na draft report. Hindi rin sinang-ayunan ng SC ang alegasyong nilabag ng komite ang constitutional right to information sa pagtanggi nitong ilabas ang draft report. Binigyang-diin din ng Korte na umiiral ang prinsipyo ng separation of powers.