Sinusuri ng Department of Agriculture (DA) ang paggamit ng drones at artificial intelligence (AI) upang mas maagang matukoy ang mga peste at sakit sa mga pananim.
Layunin nitong matulungan ang mga magsasaka na makakilos agad bago pa kumalat ang mga problema sa kanilang mga sakahan.
Nagsimula na ang pilot testing ng teknolohiya sa tatlong banana farm sa Davao del Norte at Davao de Oro.
Sa pamamagitan ng drones at AI, maaaring mamonitor ang kondisyon ng mga pananim, matantiya ang produksyon, at matukoy ang mga maagang senyales ng sakit.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaari ring makatulong ang teknolohiya sa pagpapababa ng gastos sa pagkontrol ng mga peste at sakit.
Sinabi ng Kalihim na kailangang maging abot-kaya at accessible ang teknolohiya, lalo na para sa maliliit na magsasaka. Sinusuri rin ng DA ang posibleng paggamit ng naturang teknolohiya sa mga taniman ng tubo (sugarcane) at niyog (coconut).