Binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng Parental Guidance (PG) at R-13 na rating ang walong pelikula at isang live viewing ng concert ng isang South Korean boy band na ipapalabas sa mga sinehan ngayong linggo.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, karamihan sa mga bagong palabas ay may PG at R-13 classification, kaya maaari itong mapanood ng mas maraming kabataan basta’t may sapat na gabay ng kanilang mga magulang.
Pinaalalahanan din ni Sotto ang mga magulang na ugaliing suriin ang classification ng bawat pelikula upang matiyak na angkop ito sa edad at antas ng pag-unawa ng kanilang mga anak.
Kabilang sa mga binigyan ng PG rating ang science fiction film na The End of Oak Street, live-action adaptation na Blue Lock, documentary na Just Javier, documentary film na KATSEYE: Wild Hearts, at ang live viewing ng concert na CORTIS Tour in LA.
Samantala, nakatanggap naman ng R-13 rating ang Dear You, The Devil Beneath, Sacrifice, at Nimrods: A Green Day Comedy dahil sa ilang eksena ng karahasan, katatakutan, paggamit ng magaspang na pananalita, at iba pang mature themes na nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga batang 13 taong gulang pababa.
Ipinaalala ng MTRCB na ang General Audience (G) ay angkop sa lahat ng edad, habang ang PG ay nangangailangan ng patnubay ng magulang.
Ang R-13, R-16, at R-18 naman ay para lamang sa mga manonood na pasok sa itinakdang edad.