Aminado si Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito na magiging hamon para sa Senado ang pagdinig sa panukalang 2027 national budget dahil sa sabay na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at plenary sessions.
Ayon kay Ejercito, natanggap na ng Senado ang National Expenditure Program (NEP) o panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon, kaya magsisimula na ang budget season sa mataas na kapulungan.
Plano umano niyang isagawa ang unang Development Budget Coordination Committee (DBCC) budget briefing sa August 27 o 28.
Gayunman, sinabi ni Ejercito na malaking hamon ang pag-aayos ng schedule dahil sa impeachment proceedings na nakatakda ngayon sa umaga at plenary sessions sa hapon.
Umaasa si Ejercito na matatapos ng Senado ang deliberasyon sa 2027 budget sa loob ng itinakdang panahon o bago matapos ang taon para maiwasan ang isang reenacted budget.
Aniya, mahalagang mapabilis ang budget process para mapabilis din ang implementasyon ng ilang government projects at paggasta ng pamahalaan, na makakatulong sa pagsigla ng ekonomiya ng bansa.