Inaaksiyunan na ng Department of Energy (DOE) ang paglalabas ng mas istriktong panuntunan sa mga generation companies dahil sa serye ng yellow at red alerts sa iba’t-ibang power grids sa bansa.
Ayon kay Energy Sec. Sharon Garin, hindi maikakailang meron talagang mga pasaway na power plants na hindi lang pansamantala tumitigil ang operasyon kundi kadalasan ay inaabot pa ng iilang buwan bagay na hindi nakatutulong sa power generation output ng bansa.
Napapanahon na umanong mas maging mahigpit na ang DOE sa operasyon ng mga power plants upang hindi kulangin ang energy mix ng bansa at maiwasan ang yellow at red alert status sa power grids.
Mahalaga umano na consistent ang operasyon ng mga power plant upang magampanan nito ang kanilang mandato na mag-suplay ng kuryente.
Karampatang parusa rin ang naghihintay sa mga power plant na hindi tatalima sa panawagan ng DOE kung saan pinaka-mataas na parusang maaaring ipataw ay ang pag-blacklist sa kanila o tuluyang pagtatanggal ng kanilang permit to operate.