Muling nagpulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng pinaigting na monitoring at mga hakbang sa pagtugon sa epekto ng El Niño, partikular sa mga komunidad na nakararanas ng kakulangan sa tubig, matinding init at tagtuyot.
Dito, iniulat ng Disaster Response Management Bureau (DRMB) ang mga kasalukuyang programa at plano nito para matulungan ang mga pamilyang higit na apektado ng naturang kondisyon.
Kabilang dito ang pamamahagi ng household water filtration kits, food at non-food assistance, at pagpapadala ng mobile water treatment units at mga water tanker sa mga lugar na kulang sa suplay ng tubig.
Tinalakay rin ang Project LAWA at BINHI, kung saan nakapaloob ang pagtatayo ng maliliit na imbakan ng tubig at pagtatanim ng pagkain sa mga bakuran. Nagbibigay din ito ng pansamantalang pagkakakitaan sa mga pamilyang nangangailangan sa pamamagitan ng cash-for-work.
Pinalalakas din ng DSWD ang pagbabantay sa imbentaryo ng mga relief goods, pagtiyak sa mga mapagkukunan ng tubig, at pagkolekta ng mga ulat mula sa mga regional field office tungkol sa mga apektadong komunidad.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, pumalo na rin sa ₱183-million ang halaga ng humanitarian assistance na naihatid nito sa mga apektadong komunidad ng El Niño.

