Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa itinalagang driver at rehistradong may-ari ng isang SUV matapos mahuli sa video ang pagpapalit ng puting plaka nito sa likuran at paggamit ng pulang plaka.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ng LTO na ang nasabing sasakyan ay rehistradong pagmamay-ari ng Local Government Unit o LGU ng Lipa City, Batangas.
Dahil dito, inatasan na ang driver at kinatawan ng Lipa City LGU na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa November 10, 2026 para ipaliwanag ang insidente.
Pinagsusumite rin ito ng sinumpaang salaysay kung bakit hindi dapat mapanagot sa paglabag sa improper attachment o tampering ng authorized motor vehicle license plates sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, pinasusuko na rin ang lisensya ng driver na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension. Inilagay na rin sa alarm ang nasabing SUV.