Pormal nang isinailalim sa decommissioning ng Philippine Air Force ang lahat ng kanilang UH-1H Huey combat utility helicopters matapos ang halos 60 taong pagseserbisyo nito.
Pinangunahan ni Air Force Chief, Lt. Gen. Arthur Cordura ang decomissioning sa Brig. Gen. Benito Ebuen Air Base sa Lapu-Lapu City sa Cebu.
March 29, 1969 pa nang unang dumating ang unang apat na UH-1H helicopters ng Pilipinas sa Villamor Air Base hanggang sa makabili pa ng karagdagang dalwa kaya’t naging anim na ito sa kabuuan.
Ayon sa Air Force, gumanap ng malaking bahagi ng kanilang operasyon ang mga Huey helicopters ng bansa gaya ng paghahatid ng tulong sa mga kababayang sinalanta ng kalamidad at iba pang humanitarian efforts.
Patuloy ang isinasagawang modernisasyon sa hanay ng Hukbong Himpapawid ng bansa habang isinasara nito ang isang pahina ng kasaysayan para sa mga Huey helicopter nito na magiging bahagi na ng kanilang pamana.


