Sa gitna ng banta ng mataas na inflation, tiniyak ng Marcos Jr. Administration na agaran ang pagkilos ng gobyerno katuwang ang Kongreso upang tugunan ang mataas na presyo ng enerhiya, pagkain, at tubig sa bansa.
Ayon kay Presidential Legislative Liaison Office Secretary Joey Salceda, bahagi ito ng hakbang ng gobyerno matapos umabot sa 7.8 porsiyento ang inflation rate noong Oktubre.
Aniya, ang pagtaas ng inflation ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis—na nagtulak sa transport inflation sa 20.1% pati na ang mas mataas na singil sa kuryente at tubig na pinalalala rin ng epekto ng very strong El Niño na nakaaapekto sa agrikultura at suplay ng tubig.
Sinabi ni Salceda, upang matiyak ang suplay ng langis sa bansa, nakipag-ugnayan ang administrasyon sa mga tradisyonal at non-traditional partners na mapagkukunan ng langis gaya ng Russia, China, at Iran.
Para naman sa abot-kayang pagkain, patuloy na namamahagi ang administrasyon ng murang bigas sa mga pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng iba’t ibang programa tulad ng P20-per-kilo rice program, rice procurement sa ilalim ng Local Government Support Fund, KADIWA ng Pangulo, at iba pang direktang tulong sa mga mahihirap.
Puspusan din ang action ng gobyerno sa pagsusulong ng reporma sa sektor ng tubig—kabilang ang panukalang pagtatatag ng Department of Water Resources—upang gawing mas matatag ang suplay ng tubig laban sa tagtuyot.
Kasabay nito, nakikipagtulungan din ang pamahalaan sa water concessionaires para sa contingency measures, alternatibong mapagkukunan ng tubig, sapat na reserves, at pagbawas sa pag-aaksaya ng tubig.