Arestado ang isang Chinese national habang nasamsam naman ng mga awtoridad ang nasa mahigit ₱5 milyong halaga ng mga pinaghihinalaang ipinuslit na piyesa ng motorsiklo sa Valenzuela City.
Ito’y sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Eastern District Field Unit sa 1174 Marcos Street, Barangay Malinta sa nabanggit na lungsod.
Kabilang sa mga nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang piyesa at accesory ng motorsiklo gaya ng brake pump cables, suspension, gas cylinders, hoses, at handle grips na may tinatayang kabuuang halaga sa merkado na ₱5,020,500.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Eastern District Field Unit ang naaresto at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.
Binigyang-diin naman ni PNP Chief PGen. Nartatez ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na operasyon ng pulisya at koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang masugpo ang ilegal na kalakalan at maprotektahan ang mga lehitimong negosyo at mamimili.
Ipinakikita rin umano ng operasyong ito ang patuloy na pagsusumikap ng PNP na isakatuparan ang PNP Focused Agenda, partikular ang Enhanced Managing Police Operations.
Pagtitiyak ng PNP sa publiko na ipagpapatuloy nito ang mga hakbang upang maiwasan ang ilegal na kalakalan, suportahan ang mga lehitimong negosyo, at itaguyod ang rule of law.
Habang tinitiyak na ang lahat ng operasyon ay sumusunod sa due process at gumagalang sa mga karapatan ng bawat indibidwal.

