Malaki ang naitulong ng palitan ng intelligence information ng mga bansa sa ASEAN para sa matagumpay na pagkakasabat ng 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 billion sa Manila International Container Port sa Tondo, Maynila.
Sa isinagawang pag-iinspeksyon ng nakumpiskang droga, ipinunto ni DILG Secretary Jonvic Remulla na mahalaga ang impormasyong ibinahagi ng Vietnam bago pa man makarating sa Pilipinas ang kontrabando.
“Ang mahalaga dito, nakikita ninyo na ang lahat ng bansa sa ASEAN ay nagtutulungan para masugpo ang illegal drugs,” pahayag ni Remulla.
Sa ngayon, patuloy umanong makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga awtoridad ng Vietnam para matukoy ang pinagmulan ng droga at ang consignee o tatanggap ng kargamento.
Tinukoy din ni Sec. Remulla na bahagi ng naging istratehiya ng administrasyong Marcos ang pigilan ang iligal na droga mula mismo sa pinagmumulan nito, sa halip na ituon lamang ang operasyon sa maliliit na nagtutulak at gumagamit ng droga.
Batay sa datos ng PDEA, umabot sa ₱122.53 billion ang halaga ng iligal na drogang nakumpiska ng mga awtoridad mula July 2022 hanggang July 31, 2026. Mas mataas ito kumpara sa ₱91.06 bilyong nakumpiska sa buong anim na taon mula July 2016 hanggang June 2022.
“The entire circular economy of drugs has to stop. And this is the first step,” ani Remulla.

