Iginiit ni Senador Ping Lacson na dapat munang iharap sa isang lokal na hukuman si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling maaresto bago siya isuko sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Lacson, bahagi ito ng due process para mabigyan si Dela Rosa ng pagkakataong gamitin ang mga ligal na remedyo sa bansa, kabilang ang pagdulog sa Korte Suprema.
Nilinaw naman ng senador na magiging ministerial lang ang papel ng lokal na hukuman dahil wala rito ang hurisdiksiyong magpasya sa pagkakasala o kawalang-sala ni Dela Rosa sa kasong hawak ng ICC.
Binanggit ni Lacson ang Republic Act 9851 na nagbibigay ng hurisdiksiyon sa Pilipinas sa ilang krimeng saklaw nito, pero pinapayagan ding isuko o i-extradite ang akusado sa isang international court alinsunod sa umiiral na batas at mga kasunduan.
Matatandaang nagtatago si Dela Rosa dahil sa Warrant of Arrest ng ICC kaugnay ng umano’y papel niya bilang co-perpetrator sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
May alok na ring ₱50-milyon na pabuya para sa kanyang pagkakahuli.
Pinaalala ni Lacson na kabilang siya sa mga lumagda sa resolusyon ng Senado na nananawagang protektahan ang mga Pilipino laban sa extraordinary rendition at bigyan sila ng sapat na panahon para dumulog sa mga korte dito sa bansa bago isuko o i-extradite.