Itinutulak ni Senate President Sherwin Gatchalian ang agarang pagsasabatas ng panukalang magbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na makakuha ng mga kontrata sa pamahalaan.
Una nang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill 1962 o ang panukalang Government Contracting and Procurement Integrity Act.
Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang mga kamag-anak hanggang fourth civil degree of consanguinity or affinity na pumasok sa mga kontrata sa mga ahensiya ng gobyerno kung saan may opisyal na tungkulin ang kanilang kaanak.
Saklaw nito ang mga halal na opisyal sa local at national government, mga kalihim ng gabinete, matataas na opisyal ng gobyerno, mga opisyal at miyembro ng mga GOCC at mga opisyal ng state universities.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang matiyak na napupunta ang pondo ng bayan sa mga programa at proyektong pakikinabangan ng publiko at hindi lang sa mga kamag-anak ng mga nasa kapangyarihan.
Layunin din ng panukala na pigilan ang paggamit ng family connection para makalusot sa mga patakaran sa procurement at makakuha ng mga proyekto ng gobyerno, kabilang ang mga proyektong pang-imprastraktura.