Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang hakbang sa rehabilitasyon ng mga binahang lugar gayundin ng muling pagbangon ng mga apektado bunsod ng masamang panahong dala ng Habagat.
Kasunod nito inatasan ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga yunit ng pulisya sa mga apektadong lugar na panatilihin ang police visibility at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Ito’y habang sinisikap na maibalik sa normal ang sitwasyon sa mga apektadong komunidad dulot ng masamang panahon at tiyaking tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong gayundin ang seguridad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Batay sa datos ng PNP, pumalo na sa 26 ang bilang ng mga nasawi dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa sama ng panahon hanggang nitong Martes ng hapon na kinabibilangan ng 25 sibilyan at isang pulis.
Giit ni Nartatez, mananatili ang presensya ng pulisya sa mga apektadong komunidad habang inililipat ng mga lokal na pamahalaan ang mga evacuee patungo sa ligtas na pagbabalik sa kanilang mga tahanan at ipinagpapatuloy ang mahahalagang serbisyo.