Photo courtesy of Senate of the Philippines
Inihalintulad ng kampo ng House prosecutor sa nga hollywood super heroes ang special disbursing officer (SDO) ng Department of Education (DepEd) na si Edward Fajarda matapos lumabas sa mga dokumento na nakapaglabas ito ng pondo sa napakaraming malalayong lalawigan sa bansa sa iisang araw lamang.
Ayon kay Private prosecutor Atty. Lorna Kapunan tila parang “Superman” at “Doctor Strange” naman para kay trial spokesperson Renee Co si Fajarda.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, binigyang-diin ng prosecution ang “physical impossible ” o na magawa ng iisang opisyal ang mamahagi ng confidential funds sa magkakalayong lugar sa buong Pilipinas sa eksaktong parehong petsa na nakasaad sa mga acknowledgment receipt (AR).
Kahit ang mismong presiding officer ng impeachment court na si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay sumang-ayon na mahirap itong mangyari sa realidad.
Kinumpirma ni COA State Auditor Xylene Del Campo na si Fajarda lamang ang tanging nakatalagang SDO ni Duterte noong ito pa ang kalihim ng DepEd upang humawak ng confidential fund cash advances ng ahensya.
Sa mga piling AR na iniharap sa impeachment court na may petsang February 25, 2023, ipinakita na nagkaroon ng pamamahagi ng pondo sa parehong araw sa mga sumusunod na lugar:
• Masbate at Laoag City
• Davao City at Agusan del Norte
• Olongapo, Samar, at Pangasinan
• Compostela Valley, Nueva Ecija, at Koronadal City
• Batangas, Kalinga, Southern Leyte, at Abra
Nakita rin ang kaparehong pamamaraan sa mga AR na may petsang February 21, March 15, at August 9, 2023.
Bukod sa usapin ng pagbibiyahe, isiniwalat din ni Del Campo na ang pagpasa ni Fajarda ng cash advances sa ibang tao ay tahasang paglabag sa Joint Circular No.2015-01, kung saan ipinagbabawal ang paglilipat ng confidential fund cash advance mula sa isang accountable officer patungo sa iba.
Ang mga ipinapakitang AR ay bahagi ng imbestigasyon ng COA sa kabuuang ₱112.5 milyong confidential funds ng DepEd na ginastos noong 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.