Tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na extortion at pangba-blackmail ang napaulat na aksyon ng Chinese immigration laban sa mahigit 100 Pilipino dahil sa umano’y illegal employment at overstaying.
Ito ang inihayag ni Teodoro matapos ang ulat na ang naturang hakbang laban sa mahigit 100 Pilipino ay ganti umano sa patuloy na law enforcement operations laban sa mga Chinese national sa Pilipinas.
Sa kaniyang pahayag, kinondena ng kalihim ang umano’y tangkang pakikialam ng China sa proseso ng law enforcement ng Pilipinas at ang lantarang pananakot sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ng kalihim na ang mga operasyon ay nakabatay sa mga search warrant na inisyu ng korte, tulad ng operasyon sa isang steel plant sa Misamis Oriental kung saan 69 Chinese worker ang naaresto.
Hindi rin nagustuhan ni Teodoro ang umano’y kabiguan ng mga awtoridad ng China na tugunan ang maling gawain ng kanilang mga kababayan.
Iginiit ng Defense Chief na kung hindi sangkot ang mga Chinese national sa panloloko sa mga Pilipino, itatrato sila sa bansa na kapareho ng ibang dayuhang sumusunod sa batas. | ulat ni Diane Lear