Nais ni Senador Ping Lacson na imbestigahan ng Senado ang rehabilitasyon at pagkukumpuni sa EDSA matapos muling lumitaw ang mga lubak sa mga bagong ayos na bahagi ng highway kasunod ng mga pag-ulan.
Sa Senate Resolution No. 594, hiniling ni Lacson sa Senate Committee on Public Works na magsagawa ng inquiry in aid of legislation para suriin ang design at engineering standards ng mga proyekto at matukoy ang pananagutan sa mga depektibong imprastraktura.
Ayon sa senador, nagpapakita ng malalim na problema sa planning, design, construction at management ng mga proyekto ang mabilis na pagkasira ng mga kalsadang ilang buwan pa lang matapos ayusin.
Binanggit din niya ang malaking pondong inilaan ng gobyerno sa DPWH Asset Preservation Program para mapabuti ang kalidad at tibay ng mga national road laban sa mga kalamidad.
Samantala, pinaalala ni Lacson na nagkakahalaga ng mahigit P1.18 billion ang Phase 1 ng EDSA rehabilitation mula Roxas Boulevard hanggang Orense Street na natapos nitong Abril, dalawang buwan bago ang target na schedule.
Nagkakahalaga naman ng mahigit P4 bilyon ang Phase 2 mula Orense Street hanggang Monumento.
Giit ni Lacson, kailangang alamin kung nasunod ang tamang design at engineering standards, lalo na ang drainage dahil matagal nang problema ang epekto ng tubig sa asphalt roads. | ulat ni Nimfa Asuncion