Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nanawagan si Senador Loren Legarda ng mas malawak na preventive at nature-based solutions para matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa bansa.
Ayon kay Legarda, hindi sapat ang pagtatayo ng drainage, pumping stations at floodways.
Kailangan din aniyang protektahan at ibalik ang mga watershed at kagubatan; rehabilitasyon ng wetlands at ilog; pagpapalawak ng green spaces; at pagpapanumbalik ng mangrove forests at seagrass beds.
Iginiit din ng senadora ang mahigpit na pagpapatupad ng waste management laws dahil ang naipong basura sa mga daluyan ng tubig ay isa sa mga sanhi ng matinding pagbaha, partikular sa Metro Manila.
Hinimok din ni Legarda ang pagtatayo ng mas ligtas na evacuation centers na hindi mismo bahain at nakabatay sa hazard at flood maps.
Aniya, hindi dapat paulit-ulit ang siklo ng pagbaha, evacuation at relief operations.
Binigyang diin ng mambabatas, hindi natin mapipigilan ang ulan pero mapipigilan natin itong maging paulit-ulit na trahedya. | ulat ni Nimfa Asuncion