Muling pinagtibay ng Philippine Coast Guard at Japan Coast Guard ang kanilang pangakong palalalimin ang kooperasyong pandagat sa pamamagitan ng patuloy na palitan ng mga tauhan at teknikal na pakikipag-ugnayan.
Tinalakay ito sa pagbisita ni JCG Commandant Admiral Koichi Miyazawa kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa National Headquarters ng PCG sa Port Area, Maynila.
Ayon kay Gavan, nakatulong ang kanilang pagtutulungan sa pagpapalakas ng kakayahan at tiwala sa seguridad at kaligtasang pandagat, pagpapatupad ng batas, search and rescue at pangangalaga sa kapaligirang pandagat.
Tiniyak naman ni Miyazawa ang kahandaan ng JCG na makipagtulungan sa PCG sa mga susunod na aktibidad at pagtugon sa magkatuwang na hamong pandagat.