Nagpapatuloy ang isinasagawang assessment ng Office of Civil Defense (OCD) sa lawak ng iniwang pinsala ng mga nagdaang bagyo at Habagat sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD-CAR Chief of Disaster Risk Reduction and Management Division Engr. Jose Valera, sinabi nitong ikinakasa na ang Rapid Damage and Needs Assessment sa Benguet, Baguio at iba pang lugar sa CAR upang malaman kung idedeklara na ang State of Calamity sa nasabing mga lugar.
Pagdating naman sa mga naapektuhang residente, pumalo na ito sa mahigit 24,000 na pamilya o katumbas ng mahigit 65,000 na indibidwal mula sa 348 na barangay sa buong rehiyon.
Nasa 98 na pamilya naman ang nananatili sa 24 active evacuation centers sa rehiyon.
Sumampa naman sa 15 ang naitalang nasawi dahil sa epekto ng bagyo at masamang panahon, 13 ang sugatan habang wala naman nang naitalang nawawala.
Samantala, pitong major thoroughfares sa buong rehiyon ang nananatiling nakasara tulad ng Kennon Road bunsod ng natamong pinsala.