Nagdesisyon ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pagsamahin ang mga panukalang naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa November 2026.
Sa pagdinig ng komite nitong Huwebes, inaprubahan ni Committee Chairperson Zia Alonto Adiong ang mosyon ni Bukidnon Representative Keith Flores na pagsamahin ang mga panukala at bumuo ng substitute bill.
Aabot sa 12 panukala ang inihain sa Kamara para sa pagpapaliban ng 2026 BSKE.
Una nang sinabi ni Commission on Elections Chairman George Garcia na susunod ang poll body sakaling magpasa ang Kongreso ng batas para ipagpaliban ang halalan.
Hiling lang ng COMELEC chair na kung maipagpapaliban man ang BSKE, sana ay hindi ito umabot sa kalagitnaan o ikalawang bahagi ng 2027.
Kritikal kasi aniya sa poll body ang mga buwan mula June 2027 dahil ito ang panahon ng paghahanda para sa susunod na national at local elections.
Batay sa mga panukala may nagsusulong na ilipat ang petsa ng halalan sa May 2027 o November 2028.