Nakatapos ng iba’t ibang kurso sa open university ng University of the Philippines ang 144 na mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng Bureau of Corrections (BuCor) sa ilalim ng Development Professional Growth Program.
Ayon sa BuCor, sa ilalim ng programa libre ang magiging pag-aaral ng mga PDL bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa komunidad sa oras na makatapos ng kanilang sentensya.
Ang mga kursong tinapos ng mga PDL ay Programming with Scratch, Practical Applications of Permaculture Design Ethics and Principles, Bridge English for Functional Literacy, at Business Concepts, Ideation at Business Plan.
Nagkaroon naman ng culmination ceremony sa National Headquarters ng BuCor ang mga nagtapos na PDL at personal silang binigyang pagkilala ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.
Hinimok naman ni Catapang ang mga PDL na gamitin sa pagpapaunlad ng sarili at komunidad ang natapos na kurso, dahil ito ay hindi basta kurso lang kung hindi simbolo ng magandang kinabukasan para sa bawat isa sa kanila.