Tinitingnan na ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang mga nauna nang sinalakay na steel plant na gumagawa ng mga hazardous at substandard na mga bakal sa Davao Mighty Steel Corporation sa Davao City.
Ito ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ay dahil sa tila pare-pareho ang paraan ng paggawa gayundin ang raw materials na ginagamit sa paggawa ng bakal.
Sa pulong balitaan sa Davao City ngayong araw, sinabi ni Matibag na ang sinalakay na pabrika ng bakal sa lungsod ay pang-lima sa mga nauna na nilang sinalakay.
Gaya ng sa Bonway Steel Plant sa San Simon, Pampanga, Chuanxing sa Magalang, Pampanga, isa sa Sta. Maria sa Bulacan, at ang Sanjia Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental kung saan nasagip ang may 64 na Chinese nationals na manggagawa nito.
Sinabi ni Matibag, na natuklasang galing sa sinalakay na planta ang mga substandard na bakal na ginamit sa mga gumuhong gusali nang tumama ang Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, nitong Hunyo.
Kasunod nito, tinitingnan na rin kung posibleng nagamit din ba ang mga peligroso at substandard na bakal na ito sa mga flood control project ng pamahalaan sa rehiyon ng Mindanao.