Nanawagan si Parañaque Second District Representative Brian Yamsuan ng paggamit ng science-based solutions at disiplina ng publiko upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa low-lying communities.
Ayon kay Yamsuan, maaaring gamitin ang mga backhoe, mobile pumping station, at dredger bilang short-term solution, pero kailangan ang science-based urban planning para sa pang matagalang solusyon.
Iginiit din niyang dapat mahigpit na ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang mga batas sa tamang pagtatapon at segregation ng basura.
Sinabi ng mambabatas, na bagama’t madaling sisihin ang mga taong illegal na nagtatapon ng basura sa mga kalsada at daluyan ng tubig, dapat ding magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng mga programang magpapadali at magpapalapit sa mga residente sa tamang pagtatapon ng basura.
Halimbawa, maaaring maglagay ang mga LGU ng mga basurahan na may hiwalay na lalagyan para sa waste segregation sa mga estratehikong lugar na madaling puntahan ng mga residente.
Dapat din aniya itong samahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga parusa laban sa mga lalabag sa mga batas at lokal na ordinansa hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.