Suportado ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Pax Silica project pero iginiit niyang kailangang matugunan muna ang mahahalagang kondisyon at risks bago ito tuluyang isulong.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment ngayong araw, sinabi ni Gatchalian na dapat tiyaking naaayon sa Saligang Batas at mga lokal na batas ang proyekto at hindi makokompromiso ang soberanya ng bansa.
Kabilang din aniya sa dapat tugunan ang sapat na suplay ng tubig at kuryente, lalo na’t malaki ang konsumo ng data centers at semiconductor industries.
Giniit din ng senate president na dapat ding maiwasan ang displacement ng mga magsasaka at indigenous peoples habang kinakailangang magkaroon ng makatarungang proteksyon para sa kanilang kabuhayan at karapatan.
Iginiit din ni Gatchalian ang malinaw na technology transfer para hindi lang trabaho at investments ang mapunta sa Pilipinas kundi pati kaalaman at skills para sa mga Pilipino.
Naniniwala ang senador na makatutulong ang Pax Silica na maiangat ang semiconductor industry ng bansa mula low-value tungo sa high-value activities pero dapat itong samahan ng mahigpit na safeguards at patuloy na oversight ng Senado. | ulat ni Nimfa Asuncion