Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE)
Dismayado ang Department of Labor and Employment (DOLE) matapos muling pigilan ng korte ang pagpapatupad ng ₱85 na taas-sahod ng mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, kaisa sila ng mga manggagawa at gagawin ang lahat ng legal na paraan para labanan at maipawalang bisa ang desisyon ng Pasig City Regional Trial Court branch 152.
Sinabi ng kalihim, na hindi lang taas-sahod ang pinigilan ng korte kung hindi pati na rin ang karapatan ng mga manggagawa na kahit papaano ay gumaan ang buhay.
Sa panahon kasi aniya ngayon na mahalaga ang kada piso ay ipinagkakait ng korte ang dagdag na sahod para sa isang milyong Pilipino sa NCR at kanilang pamilya.
Naninindigan ang DOLE na patuloy nilang ipagtatanggol ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.