Nanawagan si Senate Committee on Environment Chairman Senador Raffy Tulfo ng isang komprehensibo at multidisciplinary na pag-aaral sa planong pagtatayo ng Pax Silica artificial intelligence at advanced manufacturing hub sa New Clark City, Tarlac.
Ayon kay Tulfo, kailangang masusing suriin hindi lamang ang teknikal at economic aspects ng proyekto kundi lalo na ang posibleng epekto nito sa kapaligiran at mga komunidad na nakapaligid sa lugar.
Sa pagdinig ng kumite ngayong araw, giniit ng senador na ayaw niyang maulit sa Pax Silica ang mga naging problema sa Chuangxing steel plant, kung saan mahigit 30 katao ang nasawi matapos gumuho ang isang gusali at ni-raid din ng National Bureau of Investigation dahil sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y environmental at iba pang paglabag.
Hiniling niya sa mga ahensya ng gobyerno na ipaliwanag ang mga safeguard at garantiya na ipatutupad para maiwasan ang mga posibleng problema sa proyekto.
Kabilang sa nais niyang suriin ang epekto ng Pax Silica sa local ecosystems, paggamit ng tubig at kuryente, waste management, at kabuhayan at pamumuhay ng mga komunidad sa paligid ng proposed site.
Binigyang-diin naman ni Senator Raffy na sinusuportahan niya ang economic progress at kinikilala ang potensyal ng Pax Silica na lumikha ng trabaho at makatulong sa digital transformation ng bansa.
Gayunman, iginiit niyang dapat kaakibat ng mga oportunidad na ito ang mahigpit na environmental safeguards at pagsunod sa lahat ng regulasyon.
Tiniyak ni Tulfo na babantayan ng Senado ang pagpapatupad ng mga pangakong safeguards para sa proyekto. | ulat ni Nimfa Asuncion