Plano ni Senador Erwin Tulfo na isulong ang isang panukalang batas na magbabawal sa mga politiko na magkaroon ng pagmamay-ari o koneksyon sa mga electric cooperative.
Ito ay matapos niyang ibunyag na may ilang opisyal umano na hindi nagbabayad ng kanilang mga bill sa kuryente dahil sa kanilang koneksyon sa mga kooperatiba.
Inilahad ni Tulfo ang panukala sa pagdinig ng Senate Energy Committee nitong Huwebes na tumalakay sa posibilidad na alisin sa singil ng mga consumer ang non-technical system loss o kuryenteng naipamahagi pero hindi maayos na naitala dahil sa human error, meter tampering o pagnanakaw ng kuryente.
Ayon kay Senator Erwin, maraming investors ang interesado sa mga electric cooperative sa ilang lugar pero nahaharangan dahil sa pagkontrol o koneksyon ng mga ito sa mga lokal na politiko.
Giit ng senador, walang nagbabago sa ilang electric cooperative kapag gobernador, mayor o kongresista ang may kontrol dito.
Mas binigyang-diin niya ang umano’y pagkakataon na may mga politikong hindi nagbabayad ng kanilang konsumo sa kuryente dahil sa kanilang koneksyon sa electric cooperative.
Binigyang-diin ni Tulfo na sa huli ay ibang consumers ang napipilitang sumagot sa kakulangan sa kita ng electric cooperative kapag hindi nagbabayad ang ilang opisyal.
Sinabi rin ng mambabatas na mahihirapan ang gobyerno na ipaliwanag sa publiko kung bakit kailangan nilang magbayad para sa non-technical system loss, lalo na kung may bahagi nito na maaaring maiugnay sa mga hindi nagbabayad o sa illegal na paggamit ng kuryente.
Sa pagdinig, kinumpirma naman ng National Electrification Administration (NEA) na may mga insidenteng ganito, bagama’t sinabing agad itong nakikialam para tulungan ang mga electric cooperative kapag natutuklasan ang naturang mga kaso.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Almeda, nabawasan na ang mga ganitong insidente.
Dahil dito, hinimok ni Tulfo si Almeda na humingi ng tulong sa kanyang tanggapan sakaling makapagtala muli ng kaso kung saan tumatangging magbayad ng bill sa kuryente ang isang politiko dahil sa koneksyon nito sa electric cooperative.