May posibilidad na hindi tuluyang maalis sa electricity bills ng mga consumer ang lahat ng system loss pero maaaring ipagbawal ang pagsingil sa publiko para sa bahagi nito na dulot ng pagnanakaw ng kuryente at iba pang non-technical losses.
Ito ang sinabi ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Francis Saturnino Juan sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, matapos tanungin ni Committee Chair Senador Erwin Tulfo kung posible bang alisin ang system loss charges sa mga bayarin sa kuryente.
Ayon kay Juan, dalawang uri ang system loss, ang technical at non-technical.
Ang technical loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala habang dumadaan sa mga transmission at distribution lines, transformers, at iba pang bahagi ng electrical system.
Samantalang ang non-technical loss ay nagmumula sa mga insidente tulad ng electricity theft, jumper, meter tampering, at iba pang hindi teknikal na dahilan.
Sinabi ni Juan na posibleng 100% na hindi na ipasa sa mga consumer ang gastos para sa non-technical losses, lalo’t nasa humigit-kumulang isang porsiyento na lang ito batay sa kasalukuyang performance ng distribution utilities.
Gayunman, kailangan aniyang mabigyan ng sapat na tariff allowance ang mga distribution utility para mabawi ang gastusin sa pagpigil sa electricity pilferage at pag-aayos ng mga problemang may kinalaman sa metro.
Sa ganitong paraan, hindi aniya magiging mabigat sa mga utility ang gastos kahit sila na ang sumagot sa natitirang non-technical losses.
Para kay Tulfo, maaaring tanggapin ang pagkakaroon ng technical losses dahil hindi naman maiiwasan ang ilang pagkawala ng kuryente habang dumadaloy ito sa mga kable at transformer.
Pero kinuwestiyon ng senador kung bakit kailangang pasanin ng consumers ang technical at non-technical losses, lalo na ang mga nawawalang kuryente dahil sa iligal na koneksyon at pagnanakaw.
Samantala, iminungkahi ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Riolita Inocencio ang pag-amyenda sa Anti-Pilferage Law para mapadali ang pagtukoy at pagsasampa ng kaso laban sa mga nagnanakaw ng kuryente.
Ayon kay Inocencio, kailangan ding dagdagan ang mga maaaring gamiting prima facie evidence ng illegal connections para mas madali para sa distribution utilities at electric cooperatives na humingi ng tulong sa law enforcement agencies.
Iginiit naman ni Meralco Board Director Atty. Ray Espinosa na may kakayahan ang distribution utilities na higit pang bawasan ang non-technical system losses.
Gayunman, hiniling niya na payagan ang mga utility na mabawi ang gastusing kakailanganin para mapigilan at mabawasan ang electricity theft.
Bukod sa non-technical losses, sinabi rin ni Juan na nakikipag-ugnayan ang ERC sa mga lider ng Kamara at sa Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa posibleng pag-aalis ng Value Added Tax (VAT) sa system loss.
Kung maisasagawa, maaari rin itong makatulong sa pagpapababa ng electricity bills ng mga consumer.