DENR trash traps
Naglagay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 196 na trash traps sa iba’t ibang ilog at estero sa National Capital Region (NCR) upang mapigilan ang paglutang at pagkalat ng basura sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes. Ayon kay Castro, layunin ng mga nakakabit na harang na mapabilis ang paghakot sa mga lumulutang na basura bilang bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaan sa solid waste management.
“Kabilang sa ating solid waste management sa NCR, mayroong 196 trash traps na na-install ang DENR to facilitate the collection of floating debris in the rivers and waterways,” pahayag ni Castro.
Bukod sa mga trash trap, nagpakalat din ang DENR ng 1,500 na estero rangers at river warriors na nakatutok sa araw-araw na paglilinis at pag-aalis ng mga nakaimbak na basura sa mga sapa at ilog.
Ayon pa kay Castro, magsasagawa ng pang-araw-araw na inspeksyon ang mga environmental monitoring officers ng DENR upang matukoy ang mga lugar na may hindi nahahakot na basura at agad itong ipagbigay-alam sa mga sangkot na barangay para sa kaukulang aksyon.
Inihayag din ng Palasyo na patuloy ang programang “Adopt an Estero” kung saan 20 pribadong organisasyon ang kasalukuyang nakikipagtulungan sa gobyerno upang panatilihing malinis ang mga napiling daluyan ng tubig.
Pag-inspeksyon ni Pangulong Marcos sa Diokno Pumping Station
Kasunod ito ng isinagawang on-the-spot inspection ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Miyerkules, august 12, sa clearing operations at paghahakot ng basura sa Diokno Pumping Station sa Pasay City.
Binigyang-diin ng Pangulo na kailangan ng parehong panandalian at pangmatagalang solusyon sa problema ng basura sa bansa.
“Hindi kapaki-pakinabang na pagmultahin ang mga tao sa pagtatapon ng basura kung wala naman silang tamang pagtataponan,” ayon sa Pangulo.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, kailangang maglaan ng sapat at tamang pasilidad para sa pagtatapon ng basura kasabay ng pagpapatupad ng mga batas laban sa pagkakalat. Tinukoy din ng Punong Ecutibo ang mga waste-to-energy projects bilang pangmatagalang solusyon upang gawing kapaki-pakinabang na enerhiya ang mga nakokolektang dumi.
Babala laban sa “photo-op” at paalala sa disiplina
Sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaan, iginiit ng Palasyo na hindi magiging matagumpay ang mga programa kung walang disiplina at kooperasyon ang publiko.
Kinondena rin ni Castro ang ilang nakikibahagi sa mga programang pangkabuhayan tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na hindi ginagampanan nang tama ang kanilang tungkulin sa paglilinis.
“Nakita po natin na ang iba ay magpapapicture lang. Kunwari may basurang winalis, pero after that ay aalis na rin,” ayon kay Castro.
“Ang gobyerno ay ibinibigay ang lahat. Binibigyan kayo ng mapagkakakitaan, pero gawin n’yo ang inyong obligasyon dahil hindi naman kayo hina-hire at binabayaran para sa mga fake videos,” dagdag pa niya.
Muling nanawagan ang Malacañang sa mga mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura at makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga pampublikong lugar at daluyan ng tubig.