Pumalo na sa ₱689.66 million ang halaga ng pinsalang iniwan ng masamang panahon dulot ng mga nagdaang bagyo gayundin ng Habagat.
Batay ito sa ulat ng Department of Agriculture—Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DA-DRRMOC) buhat sa anim na rehiyon sa bansa, kabilang na ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas.
Aabot naman sa 21,115 na mga magsasaka habang nasa 19,634 ektaryang lupang sakahan ang apektado na nagresulta naman sa pagkasira ng may 17,527 metriko toneladang mga pananim.
Partikular sa mga naapektuhan ng masamang panahon ay ang palay, mais, cassava, high value crops, livestock, poultry, at iba pang agricultural infrastructures gayundin ang mga makinaryang gamit sa pagsasaka.
Ayon sa Agriculture Department, asahan nang tataas pa ang naturang mga bilang habang patuloy nilang natatanggap ang mga ulat mula sa mga apektadong rehiyon sa bansa.
Gayunman, tiniyak ng kagawaran na may nakalaan silang pondo bilang tulong sa mga magsasakang apektado ng masamang panahon.