Pormal nang humingi ng tulong ang Presidential Communications Office (PCO), sa pamamagitan ng Anti-Fake News Desk (AFND) nito, sa National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso ang mga taong nasa likod ng isang Facebook page at isang website dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon sa PCO, ang nasabing FB page at website ay naglabas ng mga pinalulutang na “fake news” na maaaring magligaw at magdulot ng kapahamakan sa publiko.
‘Satire’ na lumampas sa batas
Bagama’t nagpakilala ang isa sa mga account bilang isang satirical news page, binigyang-diin ng PCO na ang mga inilabas nitong content ay “malisyoso at mapanlinlang” na lumagpas na sa batas ng lehitimong satira.
Kabilang sa mga maling impormasyong ipinost ng page ang mga peke o hindi totoong anunsyo hinggil sa linggu-linggong suspensyon ng klase at trabaho sa gitna ng matinding buhos ng ulan mula sa Habagat. Bukod dito, naglabas din ito ng maling detalye ukol sa isang programa sa advanced technology ng pamahalaan.
Lalo pang nagdulot ng pagkalito ang paggamit ng nasabing page sa opisyal na logo ng Palasyo ng Malacañang nang walang pahintulot, kaya’t mukha itong opisyal na pahayag ng gobyerno.
“Satire cannot be used as a shield for deliberately misleading the public. When false information is presented in a manner that could be mistaken for legitimate government information, it becomes a matter of public concern,” giit ng PCO sa kanilang endorsement letter sa NBI.
Peke na P30,000 DOH medical assistance
Samantala, ang ikalawang kaso ay kinabibilangan naman ng isang website na nag-anunsyo ng pekeng P30,000 Medical Assistance Program mula sa Department of Health (DOH). Ginamit nito ang pangalan ng ahensya upang linlangin ang mga mamamayang naghahanap ng tulong pampamahalaan.
Agad namang naglabas ng babala ang DOH noong Agosto 9, 2026 upang paalalahanan ang publiko laban sa nasabing website. Walang na ring access sa nasabing site sa kasalukuyan, ngunit nakalap at naipriserba na ng Anti-Fake News Desk in the Philippines (AFND) ang mga ebidensya para sa imbestigasyon at posibleng pagsampa ng kaso.
Mas mabigat na parusa sa gitna ng emergency
Pinaalalahanan ng PCO ang publiko na ang deliberate o sadyang paggawa at pagpapakalat ng maling impormasyon—lalo na sa panahon ng State of National Energy Emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110—ay maaaring lumabag sa Article 154 ng Revised Penal Code.
Mas mabigat din ang kaparusahan dito kapag ginawa gamit ang teknolohiya at internet sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Binuo ang AFND upang protektahan ang mga mamamayan laban sa disinformation, lalo na sa panahon ng mga kalamidad at emergency kung kailan napakahalaga ng tumpak na balita. Patuloy na magbabantay ang AFND at nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag at siguraduhing mula sa mga opisyal na channel ng gobyerno ang impormasyon bago ito i-share o paniwalaan.