Puspusan ang ginagawang clearing operations ng Philippine National Police (PNP) partikular na sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha dulot ng masamang panahong dala ng Habagat.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., may sapat silang mga tauhan na ipinakalat para tanggalin ang natumbang mga puno, alisin ang nagkalat na putik, at iba pang debris na magdudulot panganib at sagabal sa daan.
Mahigpit aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan, Office of Civil Defense, at iba pang ahensya para sa agarang pagtugon upang hindi mabalam ang paghahatid ng tulong at kinakailangang serbisyo.
Batay sa pagtataya ng PAGASA, maaari pang tumagal ng hanggang limang araw ang mga pag-ulang dulot ng Habagat, na inaasahang lalo pang paiigtingin ng sama ng panahong binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

